Friday, February 12, 2010

Wento


Isang gabi, binukasan ko ang mensaheng ipinadala sa akin ng kaibigan kong si Mima. Nagbayad pa ako ng P15 sa internet shop para lang maidownload ito (sabay mag open ng facebook at magpalevel sa paborito kong game kung saan mamaw na ako). Naka-save ito sa usb drive, at kinopya ko ito sa laptop na hiniram ko sa nanay ko (na ipinahiram niya sa akin para magawan ko siya ng kodigo para sa itinuturo niyang Sales Management sa bilang sideline. Sa sobrang toxic ng totoong trabaho niya sa opisina ay hindi na niya mapaglaanan ng oras ang gawaing ito, kaya sa akin niya pinagawa.) Ilang araw ko na rin sinusubukan paganahin ang internet sa laptop na ito, per dahil madamot ang nag-setup ng laptop ay hindi ko talaga ito mai-online gamit ang dsl connection namin sa bahay. Pagbukas ko ng mensahe ay namili ako sa listahan ng mga paksang pinagagawan niya ng article. Hindi kulang sa 500 words, well-researched, at may kani-kaniyang detalyeng hinihingi para sa bawat paksa.

Dahil atat na ako magsimula, pumili ako ng paksa na akala ko ay "intuitive" o obvious yung sagot. Malakas din yung loob ko kasi may libro ako tungkol sa Sales Management, para dun sa pinapagawa sa akin ng nanay ko. Gumawa ako ng draft na, balak ko, ay magiging basehan ko kapag nakapag-research na ako. Nawili ako sa ginagawa ko, kaya napahaba. Napatagal ako sa pagsusulat. Natuwa ako, nakailang kape ako, at inabot ako ng 6:00 ng umaga. Napamahal ako sa sinusulat ko. Feeling ko ang cute ng ginagawa ko, parang Bob Ong lang. Sabi ko sa sarili ko, madali na lang yang references na yan, ihahabol ko na lang pag isusubmit ko na.

Sa kalaunan ay nagawan ko rin ng paraan ang internet. Ang solusyon : wireless. Ninenok ko ang wireless router sa bahay ng nanay ko.

Ang una kong napansin, nang makapag-online ako at maikumpara ko ang ginawa ko sa mga ibang article, ay jologs pala ang pagkakasulat ko. Masyadong impormal. Tapos, tadtad ng hiram na salita, na hindi ko mahanapan ng katumbas sa Tagalog sa mga online translator/dictionary. Nafrustrate tuloy ako. At ang pinakamalupit sa lahat, mali lang talaga yung mga inilagay ko, puro talaga imbento. Lahat. Kung susundin ko yung orihinal kong ginawa, wala akong mahahanap na references. Ok, sabi ko sa sarili ko, go! Nagkandarapa ako sa pag-browse ng mga site na tungkol sa pagnenegosyo. Kumbaga sa school, cramming sa Thesis. Sa opisina, rush report. Sa ospital, emergency room pag new year. Sa call center, 300 calls waiting. Sa online multiplayer games, adik mode na, rambulan pa. Yung mga references, copy-paste sa OneNote para madali. Automatic na kasama na yung address. Tsaka na yung bibliography pag tapos na.

Mag-eemail na sana ako ng unang bersiyon ng isinulat ko, para makita ni Mima, nang mapansin ko ang mga katagang "Executive Order 470 - Youth Entrepreneurship Program" sa detalye na kailangan kong isama. Ayos. Lahat pala ng sinulat ko, pasakalye lang. Akala ko matatapos na ako, malayong malayo pa pala. Nahihiya na din ako sa kaibigan ko. Ang akala ko nung una, isang araw o dalawa lang, tapos na ako. Isang linggo na, wala pa sa kalahati ang nagagawa ko. Hanggang ngayon, hindi pa ako tapos. Mental blog eh. Inuuna pa kase ang pagba-block.

Yung unang ginawa ko, yung hindi ko na balak iemail pa sa kanya...praktis na rin yun. Sa totoo lang, nakakahiya man aminin, hindi ko inakalang ganito kahirap magsulat sa Tagalog. Ngayon nga, feeling ko, maayos-ayos na ang Tagalog (o Filipino) ko, dun sa pangalawang bersiyon ng sinusulat ko. Actually kahit yung una kong ginawa, hindi naman ganun ka jologs. In fairview, hindi rin naman sayang...pwede ko rin naman irecycle. Gaya ngayon, ilalagay ko sa blog ko. Diba? Anong gagawin ko sa kanya kung hindi ko ilalagay dito? Kainis kase eh! Sayang yung effort ko..sayang!

Ang masasabi ko lang na napala ko, ay nakapag-isip-isip ako tungkol sa kalagayan ng ekonomiya ng Pilipinas, sa objective na paraan. Tapos, naikumpara ko yung nakikita ko, at yung mga opinyon ko, sa mga opinyon at kaalaman ng iba. Nakita ko kung gaano ako ka-ignorante sa mga konsepto ng pagnenegosyo.

Sana kung may makabasa man nito, maaliw siya kahit papano. Sabi nga ng mga bakla: chika lang itis..!

Wednesday, February 10, 2010

Nosebleed

Sa pagsusulat ng isang article para sa isang kaibigan, nalaman ko na nakaka nosebleed pala magsulat sa Filipino.


Bakit nga ba mahirap ang Filipino? Kung tuuusin, ito ang wikang kinalakihan ko.


Ops, teka lang. Filipino nga ba talaga ang wikang kinalakihan ko? As in, yung ginagamit ko, ng nanay at tatay ko, ng mga naging yaya ko, ng lolo at lola ko, ng mga pinsan ko, ng kapatid ko, ng mga kaklase, kalaro, guro at kapitbahay ko tuwing mag-uusap kami? Yung ginagamit ko pag nasa mall ako, o sa palengke, o pag nagbabayad ako sa jeep?


Kung tuuusin, ang talagang ginagamit kong wika ay "Tagalog." Kung nakatira ka sa Tagalog Region (Cavite, Batanggas, Metro Manila, Rizal, Bulacan, Nueva Ecija--may kulang pa ba?), malamang ay isang dialect nito ang ginagamit mo, depende kung taga-saan ka. Kung Bulakenyo ka, iba ka managalog sa Batangenyo. Kung taga-Metro Manila ka naman, siguro sanay na sanay ka na sa iba't ibang style ng pag-tatagalog. Iba ang tagalog ng mga taga-Tondo, sa tagalog ng mga taga-PUP. May mga nagtatagalog pero baluktot: gaya ng Taglish (Tagalog ng mga taong madalas mag-English at nalilito, at ng mga nakikigaya sa kanila, minsan tinatawag na konyo) Bisakol (yung tagalog na may punto ng mga Bisaya at Bikolano, na minsan ay nahahaluan ng grammar at vocabulary ng sarili nilang salita, at nagkakapalit ang "e" at"i"), Tagalog ng mga Ilokano (na tama ang grammar at vocabulary pero matigas ang mga "r" at may kakaibang tunog ng mga vowel). Meron pang iba, pero hindi ko na mai-describe. (Naubusan ako eh. I reresearch ko, pag hindi na ako tinatamad)

Tagalog talaga ang Filipino, pero dinagdagan ng konting salitang hiram. Ayoko na magbigay ng example, halimbawa na lang. May mga ilang Pilipino ang hindi sang-ayon sa Pambansang Wika na base sa Tagalog, sapagkat hindi naman talaga Tagalog ang pinakakaraniwang ginagamit na na wika sa buong Pilipinas.

Hindi lahat ng Pilipino ay marunong mag-Tagalog. Sabi nila, mas magaling pa daw mag-English ang ibang Bisaya, kesa mag-Tagalog. Sa marami namang Pilipinong Tagalog ang pangunahing salita, isang problema ang laganap: ang pagno-nosebleed pag nage-English. Oo, literal na tumutulo ang dugo galing sa ilong, may kasama pang kulangot. Siyempre, kung naiintindihan mo itong post na ito, na nakasulat bahagya sa jologs na Tagalog, alam mong ang ibig-sabihin ng nosebleed ay katumbas ng nahihirapan, o naguguluhan.

Ang wika ay kadikit ng kultura. Ang isang wika ay hinuhubog ng kultura ng mga taong nagsasalita nito. Ang wika ay nagbabago, unti-unting nabubuo sa paglipas ng panahon, at umaayon sa mga pagbabago sa kultura at pananaw. Ng mga taong nagsasalita nito. Kung kasalukuyan kang nag-aaral ng panibagong wika, malamang ay mukha ka pa ring tanga kahit pa marami ka nang natutunang salita, at hindi na masyado barok ang grammar at pronunciation mo. Bakit? Kasi yung kulturang kadikit ng wikang inaaral mo, hindi mo pa rin lubusang naiintindihan. O kaya, barok lang talaga yung pronunciation mo.

Bakit tayo nagnonosebleed? Bakit takot mag-English ang maraming Pilipino? Bakit nagnonosebleed ang mga Koreano pag nagsasanay mag-English? Bakit nagnonosebleed ang mga Pilipinong English teacher habang tinutulungan ang mga Koreano sa pagsasanay sa pagsasalita ng English? Bakit nag nonosebleed ang mga Pilipinong call center agent sa pag-English kahit na sa 8 oras sa isang araw, 5 days sa isang linggo nilang pagtratrabaho, Amerikano ang kausap nila? Sabi ng iba, kulang sa praktis. Sabi naman ng iba, kulang sa confidence. Sabi naman ng iba, mahirap lang talaga, kaya nga nosebleed eh.

Sa pagsasanay ng anumang wika, ilang paraan ang pakikisalamuha sa mga taong nagsasalita nito, pakikipag-usap sa kanila, pagsusulat, pagbabasa, at siyempre ay panonood ng mga subtitled na pelikula at maging ng hindi subtitled na palabas sa wikang naismong matutunan. Pinakamainam na pagsabay-sabayin ang lahat ng paraang ito. Kala mo naman nasubukan ko na talaga mag-aral ng ibang lengguwahe. Nakapulot ako ng ilang salitang Koreano sa pakikipag-usap sa mga Korean at panonood ng Boys Over Flowers (Kkotboda Namja), pero hindi ko pa talaga nasusubukan, magaling lang ako mag-suggest. Immersion ang tawag sa ganitong uri ng pagsasanay. Kung nais mo naman maintindihan ang isang kultura, kailangan mo din aralin ang wika ng mga tao sa kulturang ito para lubusan itong makilala.

Ang Filipino ay Tagalog na pinalawak para masakop ang mga kaisipang hindi kaya ng Tagalog. Pag Tagalog lang, tapos nagsulat ka tungkol sa isang bagay na hitik sa terminong teknikal, Taglish ang labas, puro italicized ang mga terminong wala talagang katumbas sa Tagalog. Pag Filipino, hindi na kailangan i-italics. Kase Taglish talaga ang Filipino. Ang Filipino ay kapatid ng Taglish. Pero ung Taglish, High School graduate lang, kulelat pa. Ung Filipino, nakapag-Masters at PhD na, nag Law pa sabay Medicine. San ka pa.

Tanong: bakit ako nagnonosebleed sa pagsusulat sa Filipino, samantalang Pilipino ako; Tagalog na, bangag pa sa kape?

Ito ang isang maliit na bahagi ng sinusulat ko:
"Ang proseso ng creative destruction ay siklikal; ang mga negosyong sa simula ay nanguna sa pagbabago, ay siya ding nagiging biktima ng pagbabago. Isang kilalang halimbawa ng patuloy na pagbabago, ay ang kompetisyon, na tinaguriang 'browser wars', sa pagitan ng iba't ibang software companies..."


Sagot: ang hirap lang talaga ng topic. Negosyo? Wtf?!